ni Bb. Niña P. Gragasin
Idinaos ang pangwakas na gawain o culminating activity ng Pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa pangunguna ng Kagawaran ng Filipino sa Assumpta Technical High School bilang pakikibahagi sa taunang paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa sa pamamagitan ng pagpapaskil ng infographics sa Facebook page ng paaralan nitong ika-31 ng Agosto taong 2023.
Ipinaskil sa Facebook page ng Assumpta ang mga aktibidad at programang inihanda ng Kagawaran ng Filipino tulad ng pagtatampok ng mga salita, pagpili ng pinakamahusay na tagapagsalita ng Wikang Filipino, paggamit ng Filipino Sign Language (FSL) sa pagbati bago magsimula ang klase, pagkakaroon ng Araw ng Wikang Filipino at Aldo ning Kapampangan, ang CAF Literacy Program, at ang pagpapaskil ng mga trivia o mga bagong kaalaman tungkol sa Wikang Filipino at mga katutubong wika gamit ang FB page ng paaralan at Aralinks account ng mga mag-aaral na ipagpapatuloy ng paaralan sa buong taong panuruan 2023 – 2024.
Matatandaang inilunsad ng Kagawaran ng Filipino ang Pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa mga guro at kawani ng Assumpta noong ika-7 ng Agosto at maging sa mga mag-aaral sa huling linggo ng Agosto na angkop sa institusyonal na temang, “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Pagkakaisa, at mas Ingklusibong Komunidad sa Pagtataguyod ng Transpormatibong Edukasyon” na hinango sa temang inilahad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan”.
Binigyang-diin sa pangwakas na aktibidad ng Kagawaran ang sinabi ni Jose Rizal sa El Filibusterismo na, “Nalilimot ng bawat isa sa inyo na habang napag-iingatan ng isang bayan ang kaniyang wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kaniyang paglaya, katulad ng pagpapanatili ng isang tao sa kaniyang kasarinlan, upang mapanatili niya ang kaniyang sariling paraan ng pag-iisip. Ang wika ang pag-iisip ng bayan.”
Nagpasalamat naman ang koordineytor ng Kagawaran ng Filipino na si Bb. Jannie Loren Chavez kaisa ng mga guro sa Filipino sa ipinakitang suporta at pakikiisa ng buong komunidad ng Assumpta sa mga gawain at programang inilunsad ng mga ito.
Karagdagan, hiningi rin niya ang patuloy na pagsuporta at pakikiisa sa mga gawain at aktibidad kaugnay ng pagdiriwang na isasagawa pa rin ng kagawaran hanggang sa matapos ang kasalukuyang taong panuruan.
Sa huli, inaasahan ng Kagawaran ng Filipino na patuloy pang itaguyod ang Wikang Filipino at ang mga katutubong wika ng Pilipinas hindi lamang tuwing buwan ng Agosto ngunit maging sa araw-araw na pamumuhay.
![371423143_794338729150120_8605255545912057089_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/09/371423143_794338729150120_8605255545912057089_n-150x150.jpg)
![371120525_794338745816785_3913053067123882002_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/09/371120525_794338745816785_3913053067123882002_n-150x150.jpg)
![373303732_794338765816783_6452635115611237220_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/09/373303732_794338765816783_6452635115611237220_n-150x150.jpg)
![373327390_794338775816782_7325038124532734760_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/09/373327390_794338775816782_7325038124532734760_n-150x150.jpg)
![368719791_787745913142735_5526380964073781274_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/09/368719791_787745913142735_5526380964073781274_n-150x150.jpg)
![370427085_791275559456437_4339253535033217959_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/09/370427085_791275559456437_4339253535033217959_n-150x150.jpg)
![366328598_784180656832594_5494319395818475521_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/09/366328598_784180656832594_5494319395818475521_n-150x150.jpg)