Balita
ni Gng. Arbhee M. Salazar
Pinangunahan ng mga mag-aaral sa ikasampung baitang ng Assumpta Technical High School kasama ang mga guro at kawani ng paaralan ang pangangalap ng datos para sa taunang pagsasagawa ng Social Investigatory Research noong ika-17 ng Pebrero taong kasalukuyan sa labindalawang barangay ng Apalit, Pampanga.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/3bf181c4-92f2-4db7-8b12-a221bd5edbf1-1024x768.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/f2f0e3d9-3dbb-43c8-aab7-a95601ca7d3d-1024x768.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/58e4168c-4840-468f-9cfa-d31dceaa3a1a-1024x768.jpg)
Ang Social Investigatory Research ay isang aktibidad na isinasagawa ng paaralan upang malaman ang kasalukuyang kalagayan ng tatlong bayan kung saan nagmumula ang karamihan sa mga mag-aaral ng Assumpta. Kabilang sa mga bayang ito ang San Simon, Apalit at Minalin. Layunin ng pananaliksik na ito na mailarawan ang kasalukuyang kondisyon ng mga bayan sa aspektong sosyal, kultural, politikal, ekonomiko, institusyonal, pangkalusugan at pangkapaligirang kalagayan ng mga mamamayang nakatira sa iba’t ibang barangay na bumubuo sa buong bayan. Ang mabubuong larawan mula rito ay magpapakita ng mga pangunahing suliraning hinaharap ng bawat barangay at ihahambing ito sa mga datos na nakuha sa nakalipas na limang taon at kung paano ang naging pagtugon ng mga residente at lokal na opisyal sa mga suliraning ito.
Nakatuon ang pananaliksik sa taong ito sa bayan ng Apalit na binubuo ng labing dalawang barangay kaya nahati rin ang buong ikasampung baitang maging ang mga guro at kawani sa labindalawang grupo. Malugod na tinanggap ng mga opisyales ng barangay kasama ang ilang kinatawan ng bawat sektor ang mga mag-aaral na nakipanayam sa mga barangay ng Balucuc, Calantipe, Cansinala, Capalangan, Colgante, Paligui, Sampaloc, San Juan, San Vicente, Sucad, Sulipan at Tabuyuc.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/0852f712-e2e3-4587-940c-23273e249fa8-1024x768.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/76897918-31ed-48a0-9fdd-15a81052ccae-1024x768.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/03bb8f9a-27af-44eb-9871-731b0ec8c6d3-1-1024x768.jpg)
Bago ang nasabing pakikipanayam, nagdaos ng oryentasyon ang mga guro sa Araling Panlipunan sa mga mag-aaral at empleyado ng paaralan upang maging pamilyar ang bawat isa sa gawaing ito. Dahil naman sa mahabang oras na gugugulin sa pagsasagawa ng Social Investigatory Research, ito ay naging inter-subject at cross section project na kung saan lahat ng asignatura ay may mahalagang gampaning isinagawa mula sa paghahanda, pagsasagawa at pagbuo ng ulat ng mga mag-aaral.
Matagumpay naman na naitanghal ng mga mag-aaral ang kabuuan ng kanilang ulat noon ika-6 ng Mayo matapos ang ilang buwang konsolidasyon ng mga datos mula sa kanilang pananaliksik.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/23674dac-423c-4a95-8dcd-83a8ffd9d6a5-1024x768.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/05/a09f3ba0-c595-4669-a58a-bbf76568aec9-1024x768.jpg)