You are currently viewing Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria, ipinagdiwang sa Assumpta 

Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria, ipinagdiwang sa Assumpta 

Balita

ni Kim Charles M. Cano 

 

Nabalot ng pananampalataya at pagdiriwang ang mga pasilyo ng Assumpta Technical High School nang muling ipagdiwang ang taunang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria o Assumption Feast Day nitong ika-15 ng Agosto na aktibong dinaluhan ng mga mag-aaral, guro at mga kawani ng paaralan.

Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng taimtim at makulay na prusisyon ng imahe ng Mahal na Birheng Maria habang iwinawagayway ng mga mag-aaral ang kanilang mga banderitas na sinundan ng isang misa sa pangunguna ni Reberendo Padre Melchor Sitchon. Sa kaniyang misa, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ehemplong masasalamin sa buhay at pag-akyat sa langit ng Birheng Maria, na isang tunay na maaasahang tagasuyo ng Panginoon na laging handang tumugon sa kaniyang tawag. Hamon pa nito na maging inspirasyon nawa sa lahat ang pag-akyat sa langit ng Birheng Maria, katawan at kaluluwa, upang tayo’y magpatuloy sa pagpapalalim ng ating pananampalataya 

Matapos ang misa, inialay ng mga mag-aaral ang kanilang mga isinulat na pangako kay Inang Maria, gayundin ang mga sulat at mensahe na nais nilang ibahagi sa mga madre ng Assumpta. Nagkaroon din ng isang harana para kay Maria na nilahukan ng mga talentadong kawani ng paaralan maging ng iba’t ibang Junior High School Elective Clubs gaya ng Assumpta Band at Glee Club. 

Napuno naman ng hiyawan at sigawan ang Assumpta Court 1 sa mga pakulo at mga palarong inihanda ng Assumpta Student Board (ASB) para sa mga kawani at mag-aaral, maging ang pagtatanghal ng Assumpta Dance Troupe (ADT) sa ikalawang bahagi ng pagdiriwang na may temang Viva Maria: Pista ng Saya at Pananampalataya. 

 Matatandaang ang kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria sa Assumpta ay ngayong taon na lamang muling isinagawa sa loob ng paaralan makalipas ang mahigit apat na taon dahil sa nagdaang pandemya. Ito marahil ay simpleng pagdiriwang lamang, subalit ito rin ay isang pagkakataon upang mas mapalalim pa ng bawat isa ang kanilang pananampalataya at gaya ng Mahal na Birhen Maria, tayo rin ay maging matagumpay sa ating paglalakbay patungo sa ulap ng buhay kabanalan. Assumpta est Maria! 

Prusisyon ng imahen ni Inang Maria sa Assumpta Technical High School nitong ika-15 ng Agosto taong kasulukuyan. Larawang kuha ni Anne Maniago
Rev. Fr. Melchor Sitchon, ang naguna sa misa ng kapistahan ng Assumption. Larawang kuha ni Anne Maniago
Harana ng mga mag-aaral at guro para kay Maria. Larawang kuha ni Anne Maniago
Assumpta Student Board, pinangunahan ang programa para sa kapistahan ng Assumption. Larawang kuha ni Justine Nicole Santos
Viva Maria: Pista ng Saya at Pananampalataya. Larawang kuha ni Justine Nicole Santos
Pagtatanghal ng Assumpta Dance Troupe sa Kapistahan ng Assumption. Larawang kuha ni Justine Nicole Santos