Balita
nina France McCain C. Capulong at Luis Ignacio B. Tayag
Sinalubong muli ng Assumpta Technical High School ang taunang Sports Festival sa pamamagitan ng malakas na hiyawan at nag-uumapaw na kasiyahan noong ika-16 hanggang ika-17 ng Enero, taong kasalukuyan na may temang “Walking in Synodality through Sports and Recreation,” na nagpapakita ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pamamagitan ng palakasan at libangan.
Sa pamumuno ng sports festival committee, sinimulan ang aktibidad sa isang mensahe mula kay Ginang Arlene Carlos, ang punong guro ng paaralan. “Every player’s effort, every cheer, every kick, every spike, every pass, makes us stronger, as one community,” saad ni Ginang Carlos. Pinatibay niya ang mensahe ng tema ng taong ito na nagsusulong ng kolektibong pagkilos at pagsuporta sa bawat isa sa kabila ng kompetisyon.
Sinundan ito ng torch relay na pinangunahan ng mga atleta mula sa South Zone Athletic Meet. Kasunod nito, ang Oath of Sportsmanship na pinangunahan naman ni Nathan Briones mula sa ikalabing-isang baitang, na nagbigay-diin sa diwa ng pagkakaisa at patas na laro sa buong aktibidad. Pormal na sinimulan ang sports festival matapos ang tradisyunal na ball toss na simbolo ng pagsisimula ng iba’t ibang laro at kompetisyon.
Napuno ng saya at ingay ang buong Assumpta sa loob ng dalawang araw nang magsimula ang pagdiriwang kung saan malayang naipakita ng mga Assumptan ang kanilang galing at talento sa iba’t ibang isport maging sa pag-awit at pagsayaw.
Sa huli, itinanghal na kampeon ang Team 5 Red para sa ikapito hanggang ikasiyam na baitang na sinundan ng Team 1 Blue sa ikalawang pwesto, at Team 3 Gray sa ikatlong pwesto. Sa kabilang banda, para naman sa mga ikasampu hanggang ikalabindalawang baitang, naibulsa ng Team 17 Green ang unang pwesto, Team 15 Red sa ikalawang pwesto, at Team 13 Gray sa ikatlong pwesto.
“Masaya ako na natapos ang Sports and Recreation Festival nang maayos at nag-enjoy ang mga bata. Nagpapasalamat ako sa Panginoon na walang bata na na-injured at dinala sa hospital. Nagpapasalamat din ako sa lahat ng teacher in-charge at student committees na nag-facilitate ng mga games” saad ni Bb. Lejan Sol Yambao, ang chairperson ng Sports Festival 2025.






