You are currently viewing  Paghasa sa Sandata 

 Paghasa sa Sandata 

Lathalain ni Chris Annea Chloe G. Sabile 

Bago dumating ang sakuna, marapat na may baon kang sandata. ‘Yan ang mahalagang aral na napulot natin mula sa pabula na pinamagatang “Si Langgam at Si Tipaklong.” Ngunit sa totoong buhay, ano pa ba ang silbi ng kahandaan kung disiplina at pagkakaisa ay pumapalya? 

Sa pagtatapos ng Hulyo, tayo ay magbalik-tanaw sa ating malugod na pagsalubong sa Buwan ng Nutrisyon.  Sa temang “Sama-samang Kumilos para sa Nutrisyong Sapat at Kahandaang Pang-emerhensiya para sa Lahat” ng ating paaralan, ating binigyang-diin na ang kalusugan ay para sa bawat isa. Ito ay hindi isang pribilehiyo na kailangang paghirapan, kundi isang karapatang dapat matamo ng lahat. Subalit, sa kasamaang palad, hindi ito ang ating reyalidad.  

Pagod, kawalan ng panahon, kakulangan sa kagamitan o pera — ‘yan ang ilan sa mga hadlang tungo sa ating kahandaan. Hindi maikakaila na sa panahon ngayon, oras at kagamitan na ang kalaban. Sa mabilis na pagtakbo ng oras, mas madali tayong mapag-iwanan. Ngunit may mas malaki pang kalaban — ang ating mga sarili. Iba ang udyok na ating nararamdaman pagdating sa mga malalasang pagkain. Mas mahirap pigilan. Mas mahirap labanan. Kaya sa huli, kalusugan ang nagiging kabayaran. 

Sa kabila ng mga hamong ito, ang mga mabibigat ay gumagaan kapag marami ang pumapasan. Kaya sa Assumpta, kaakbay ang bawat isa, tayo ay umuukit ng bagong daan tungo sa ligtas at malusog na kinabukasan. Mula sa masustansyang pagkain sa school canteen hanggang sa malinaw na Disaster Preparedness Plan, pakay nating hasain ang ating sandata. Ngunit hindi lamang diyan nagtatapos ang ating paghahanda at paghubog ng disiplina, nariyan din ang libreng medical at dental check-up, emergency drills, at pag-eehersisyo. 

Sa kasalukuyan, ang mga kalamidad tulad ng bagyo, baha, at lindol ay patuloy ring sumusubok sa ating kahandaan. Sa panahong ito, ang ating kalusugan ay nagiging higit na mahalaga, hindi lamang bilang isang personal na yaman ngunit bilang isang sandata. Ito ang nagbibigay ng lakas sa atin upang iwasan at labanan ang mga sakit, bumangon mula sa epekto ng mga sakuna, at upang tumulong at mahikayat ang kapwa. 

Ang mga aktibidad na ito ay hindi lamang isang pagpapatibay sa ating depensa, ngunit nagsisilbi rin itong paalala na hindi tayo nag-iisa. Tulad na lamang ni Langgam sa pabula, nawa’y matuto tayong maghanda para sa mga pagsubok at sakuna. Hindi natin ito kailangang gawin nang mag-isa dahil kapag sama-sama mas malakas ang ating depensa laban sa problema. Sa ating pagtutulungan, ang kalusugan ay magiging tunay na karapatan na nakakamit ng bawat isa.