You are currently viewing Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025, sentro ang pag-asa at pagkakaisa 

Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2025, sentro ang pag-asa at pagkakaisa 

Balita

ni G. Lance Valtiendaz 

Matagumpay na naidaos ang pagtatapos ng Buwan ng Wika sa Assumpta Technical High School (ATHS) noong ika-29 ng Agosto 2025, sa temang “Tikad, Filipino at Katutubong Wika: Daluyan ng Pag-asa tungo sa Pagkakaisa.” Naghatid ito ng mga makabuluhang aktibidad at programa na nakaugnay sa pagmamahal at pagpapahalaga sa wikang Filipino at sa mga katutubong wika bilang mga daluyan ng pagkakaisa at pag-asa sa kabila ng mga hamong kinakaharap. 

Sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon ng Radio Broadcasting Team ng paaralan tungkol sa bagong hirang na Pangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, pati na rin sa mahigit tatlumpung wika sa bansa na nanganganib nang mawala. Sinundan ito ng Character Dress-Up ng mga mag-aaral mula ikaapat hanggang ikaanim na baitang, kung saan ipinamalas nila ang iba’t ibang kasuotang yari sa mga recyclable na materyales. 

Ginawaran din ang mga nagsipagwagi sa iba’t ibang patimpalak na isinagawa sa buong buwan ng Agosto, na pinangunahan ng mga guro sa Filipino. Kabilang sa mga patimpalak ang Kultura, Kulay Art Workshop, Pagbigkas ng Tula, Pagbasa at Pagbuo ng Pabalat ng Aklat, Masining na Pagkukuwento, Deklamasyon, Patinikan sa Panitikan, Pagsulat ng Sanaysay, Panulaan sa ATHS, at Paglikha ng Digital Art. 

Nagkaroon din ng espesyal na presentasyon ang mga mag-aaral na nagkamit ng unang pwesto sa Pagbigkas ng Tula, Masining na Pagkukuwento, at Deklamasyon, na lalong nagpamalas ng talento ng mga Assumptan at nagbigay-diin sa pagpapahalaga sa wika at panitikang Pilipino. Hindi rin nagpahuli ang pagtatanghal ng Assumpta Dance Troupe at ang pag-awit ng piling mag-aaral na nagbigay-kulay at sigla sa pagtatapos ng selebrasyon. 

Bukod sa mga gawaing nabanggit, isinabuhay rin ng buong komunidad ang paggamit ng Wikang Filipino sa mga pagpupulong, pagdarasal, banal na misa, at sa pagpapatugtog ng mga awiting Filipino bilang konkretong pagpapakita ng pagkakaisa at pagmamalasakit sa sariling wika sa araw-araw na gawain ng paaralan. 

Nagkaroon naman ng hiwalay na selebrasyon ang mga mag-aaral sa Pre-school sa pangunguna ng kanilang mga guro, suot ang mga makukulay na kasuotang Pilipino. Nakisaya ang mga mag-aaral sa mga larong Pinoy at sama-samang nagsalo-salo sa isang malapistang selebrasyon. 

Sa pagtatapos ng pagdiriwang, ipinahayag ni Bb. Jannie Loren Chavez, ang Koordineytor ng Filipino, ang kanyang lubos na pasasalamat at pagbati sa lahat ng nakiisa sa pagdaraos ng Buwan ng Wika, kasabay ng paalala na ang selebrasyon ay hindi lamang para sa isang buwan, kundi isang patuloy na adhikain sa aktibong paggamit at pagpapahalaga sa Wikang Filipino at sa mga katutubong wika. 

 “Maging tulay nawa ang bawat isa, sa pamamagitan ng ating wika, upang maging inspirasyon sa iba pang mga kabataan upang higit na buhayin at pagyamanin ang ating wika. Magsilbing tanglaw nawa ang bawat isa ng pag-asa upang magkaisa sa pagtataguyod ng ating wika,” saad ni Bb. Chavez. 

Inaasahan pa rin ang aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral at kawani sa mga aktibidad na isasagawa sa buong taon, na naglalayong patuloy na paunlarin ang kasanayan sa Wikang Filipino, tulad ng Tampok na Salita, Araw ng Wikang Filipino, at ang pagpili ng Pinakamahusay na Tagapagsalita.