Lathalain
ni: Bb. Sharie Angela F. Cortez
“Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban! Ngayon ay lumalaban, ang tao, ang bayan!”
Naririnig mo ba ang umaalingawngaw na sigaw ng bayan?
Ang tinig ng mga mamamayang naghahangad ng hustisya at mga boses na malinaw na nagpapahayag ng pakikibaka.
Nakikita mo ba ang mga dahilan ng kanilang pakikipaglaban?
Kung ang tinig ay mahina at hindi marinig ng tenga, at ang mga mata ay patuloy na nakapiring sa gitna ng mga anomalya, hindi ba’t panahon na upang gisingin ka sa bangungot ng pagkawala?
Pagkawala ng mga yamang dapat sana ay nailagak nang tama para sa kapakanan ng sambayanan.
Pagkawala ng tiwala, ng pag-asa, ng direksyon.
Ngunit sa bawat sigaw, sa bawat hakbang, sa bawat pagtindig, naroon ang pag-asa.
Pag-asang muling mabubuo ang isang bayan na may dangal, may prinsipyo, at may tunay na malasakit sa kapwa.
Noon pa man ay nahaharap na ang bansa sa mga isyung panlipunan gaya ng kahirapan, kagutuman, pagkasira ng kalikasan maging ang patuloy na paglaki ng agwat ng mayaman at mahirap. Ngunit sa kabila ng mga ito, ang pinakamatindi ay ang isyu ng korapsyon na siyang puno’t dulo ng mga suliraning ito. Ang korapsyon ang dahilan ng paglawak ng suliranin sa kahirapan, kung bakit maraming mamamayan ng bansa ang nakararanas ng kagutuman. Ang korapsyon ang puno’t dulo kung bakit lumalaki ang agwat ng distansya ng mayaman at mahirap, habang sila ay nagpapakasasa sa perang pinaghirapan ng bayan. Ang mahirap ay patuloy na naghihirap sa bansang pilit ipinaglalaban. Sa huli, ang korapsyon ang isa sa dahilan kung bakit lalo nating nararamdaman ang hagupit ng kalikasan. Ang mga proyekto sanang panlaban sa ganti ng kalikasan, naging mailap sa katotohanan. Nakakalungkot isipin na hindi lang kakarampot na halaga ang ninanakaw sa kaban ng bayan, kundi malaking halagang sagot sana sa problemang ating nararanasan. Ang nakababahala, maaari pa rin itong madagdagan kung hindi masusupil ang katiwalian.
Sa mga pagkakataong tayo ay ninanakawan, hindi lamang basta pera ang nawawala sa atin, bagkus maging ang ating dignidad, mga karapatan, mga pangarap sa buhay at magandang kinabukasan. Habang tayo ay lumalaban nang patas upang makapamuhay nang maayos, sila naman ay abala sa pagkamal ng salaping maibubulsa.
Tila ba sadyang mailap sa atin ang inaasam na kaginhawaan. Marami sa ating mga kababayan ang patuloy na nagdurusa sa ilalim ng matinding kahirapan—mga pamilyang nagugutom, mga Pilipinong naninirahan sa lansangan, mga kabataang hindi makapasok sa paaralan at sa murang edad ay napipilitang magtrabaho, at mga manggagawang walang makitang disenteng oportunidad sa sariling bayan dahil sa mababang pasahod kaya mas pinipili ng marami ang makipagsapalaran sa ibang bansa, umaasang matutugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Pagdating sa usapin ng kaunlaran, madalas na itinuturing ang imprastruktura bilang pangunahing simbolo ng pag-unlad. Ngunit nakalulungkot isipin na ang mga proyektong ito ay kadalasang yari sa substandard na materyales, dahilan ng mabilis na pagkasira. Isama pa ang mga ghost projects—mga proyektong hindi naman talaga naisakatuparan, na sa halip na makatulong ay lalo pang nagpapabigat sa sitwasyon ng mamamayan. Hanggang ngayon, marami pa ring kabahayan at lansangang lubog sa baha, mga tulay na hindi matapos-tapos, at mga daang tila walang patutunguhan.
Nasaan na nga ba ang pondo ng bayan?
Pondo na dapat ay inilaan para sa kapakanan ng mamamayan, ngunit ngayo’y hawak ng mga gahaman at ginagamit para sa pansariling interes. Harap-harapan na ang pagnanakaw at panloloko.
Hindi ba’t nakakasawa na ang paulit-ulit na takbo ng bulok na sistema?
Hindi ba’t nakakagalit na?
Husto na!
Tama na ang kalokohan!
Tama na ang katiwalian!
Tama na ang kasinungalingan!
Panahon na upang pakinggan ang taumbayan dahil ang tunay na kapangyarihan ay nasa ating mga mamamayan.
Sa mga nagdaang araw, nasaksihan natin ang sunod-sunod na kilos protesta sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na aktibong nilahukan ng mga kawani at empleyado ng Assumpta Technical High School. Una ay ang mapayapang kilos protesta na ginanap sa Metropolitan Cathedral sa lungsod ng San Fernando, Pampanga noong ika-18 ng Setyembre 2025. Dinaluhan ito ng maraming Kapampangan mula sa iba’t ibang bayan. Sinimulan ang pagtitipon sa pamamagitan ng isang banal na misa, na sinundan ng mapayapang pagtindig sa labas ng simbahan. Sa kabila ng malakas na ulan, nanatili ang mga mamamayan upang ipahayag ang kanilang panawagan: Itigil na ang tumitinding isyu ng korapsyon sa lalawigan.
Sumunod ay ang kilos protesta sa Pulung Ipil Street, Sto. Niño, San Simon, Pampanga noong ika-20 ng Setyembre 2025, na nilahukan ng mga residente ng San Simon na direktang apektado sa mga sirang tulay at daan. Ipinahayag ng mga Simonians ang kanilang pagkadismaya sa mabagal na aksyon ng pamahalaan, at inilantad ang mga suliraning dulot ng mga sirang imprastruktura—na lubos na nagpapahirap sa mga manggagawa, mag-aaral, at mamamayan. Hiling nila ay agarang aksyon at permanenteng solusyon mula sa kinauukulan.
At panghuli, ang Trillion Peso March na ginanap sa EDSA People Power Monument noong ika-21 ng Setyembre 2025. Isa rin itong mapayapang kilos protesta na nilahukan ng libu-libong Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Buong lakas nilang ipinahayag ang panawagang labanan ang korapsyon at katiwalian.
Ang tatlong gawaing ito ay ilan lamang sa mga mapayapang kilos-protesta na ginanap sa ating bansa at sinuportahan din ng ating Inang Simbahan. Magkakaiba man ang lugar at saklaw ng mga kilos protesta na ito mula sa komunidad ng San Simon, sa lalawigan ng Pampanga, hanggang sa nasyonal na lebel na ginanap sa EDSA, pare-parehong nanindigan ang mga Pilipino para sa iisang layunin — magkaroon ng pagbabago! Sa mga mapayapang kilos-protesta na naganap, masasalamin din ang pagmamahal ng bawat isa para sa bansang Pilipinas. Pagmamahal na naging sandata upang maipaglaban nang tama ang karapatan at kapangyarihan sa mga isyu ng katiwalian at korapsyon na patuloy na nagiging hadlang sa pag-unlad ng bayan.
Marahil natapos na nga ang mga kilos-protesta sa ngayon, ngunit simula pa lang ito ng ating laban. Ang pakikibakang ito ay simula pa lamang ng mas malawak na pagkilos. Marami pa tayong magagawa upang labanan ang korapsyon at katiwalian sa ating lipunan. Kapag nagkaisa na tayong lahat, anumang edad, estado sa buhay, kulay ng balat, relihiyon, o lahi. Kapag nawala na ang bulag na panatisismo at ang katapatan ay inialay na sa Inang Bayan. Kapag natutuhan na nating pumili ng mga pinunong tapat, may malasakit, at tunay na naglilingkod. Kapag ang pamumuno ay isinagawa nang may integridad, pagmamahal sa bayan, at maka-Diyos na hangarin—doon natin makikita ang pag-usbong ng tunay na pagbabago. Sapagkat ang tunay na kapangyarihan ay nasa mga mamamayang nagkakaisa. Sila ang susi sa magandang kinabukasan na matagal na nating inaasam para sa ating Inang Bayan.
Gusto natin ng pagbabago? Tayo ang simula at ang daan tungo sa pagbabagong nais nating matamasa. Kaya naman isa itong malaking hamon sa ating lahat na tayo ay manatiling mulat sa katotohanan at huwag magpabulag at maging bingi sa kasinungalingan. Panatilihing gising ang kamalayang Pilipino at ipagpatuloy ang alab ng damdaming makabayan!
Labanan ang korapsyon! Labanan ang katiwalian! Ipaglaban ang katotohanan, katarungan, kalayaan, at ipairal ang kapayapaan!
Sapagkat ang Pilipinong namulat ay hindi na muling pipikit pa. Ang mga taong nakakarinig ay hindi na muling magbibingi-bingihan pa. At sa huli, ang boses natin ay maisasatinig nang buo, may tapang at para sa bayan.
Laban para sa Inang Bayan! Mabuhay, mabuhay, Pilipinas!
