You are currently viewing Ang Tunay na Pagmamahal

Ang Tunay na Pagmamahal

Lathalain

ni Aedan James B. Dominguez

Marahil naranasan mo na ang magmahal o mahalin. Ano nga ba ang pagmamahal para sa iyo? Serbisyo? Katapatan? Pangako? Kasiyahan? Hindi ka nagkakamali. Iba-iba tayo ng pagpapakahulugan dito dahil malawak at malalim ang sakop nito. Para kay Santa Maria Eugenia, ang pagmamahal ay unang nagmula sa Diyos at ipinagkaloob sa atin bilang kaniyang regalo. Kung paano tayo mahalin ng Diyos, ganoon din dapat nating mahalin ang ating sarili at kapwa.

Si Santa Maria Eugenia ay isang tanyag na simbolo ng pagmamahal, kabutihan at serbisyo. Sa kabila ng maraming pagsubok na dala ng kanyang buhay, gaya ng pagkakawatak ng kaniyang pamilya at pagkamatay ng kanyang ina, pinili niya pa rin na ialay ang kanyang buong lakas at pagkatao sa paglilingkod sa Diyos. “My life must be a constant ‘Yes’ to God.” Nagbunga ang kanyang pagmamahal at serbisyo sa Diyos sa pagkakatatag ng Religious of the Assumption na kalaunan ay naging daan upang maitayo ang paaralan ng Assumpta Technical High School. Ang kanyang mga turo at aral ay isinasabuhay sa loob ng komunidad ng paaralan upang siya ay maging inspirasyon ng mga mag-aaral. Sa buwan din ng Marso, ipinagdiwang ang pinakainaabangan na buwan at kapistahan ni Santa Maria Eugenia.

Sa pamamagitan ng sampung araw na nobena mula sa ika-1 araw ng Marso hanggang sa ika-10 araw ng Marso, taong-kasalukuyan, mas lumalim ang kaalaman ng mga mag-aaral patungkol sa buhay ni Santa Maria Eugenia. Nagbigay ito ng pagkakataon upang kanilang pagnilayan kung paano nila magagawang makabuluhan ang kanilang buhay para sa Diyos at kanilang kapwa. Bunga nito, nahikayat ang mga mag-aaral at guro sa Assumpta na ibahagi ang kanilang oras, talento, at isipan sa ibang tao. Masasalamin mula dito ang puso ng isang Assumptan na puno ng pagmamahal at serbisyo na nagdadala ng kabutihan at pagbabago sa ating komunidad. Sa kabilang banda, nagagawang patatagin ni Santa Maria Eugenia ang pananampalataya at buhay panalangin ng mga mag-aaral sa Diyos.

Natapos ang selebrasyon ng buwan ni Santa Maria Eugenia sa pamamagitan ng misa na idinaos nitong nakaraang ika-11 ng Marso, araw ng Lunes, na pinangunahan ni Fr. Brian Paul Tayag. Umikot ang homilya sa mga katagang, “Love never says: I have done enough,” na mula kay S.M.E. Nag-iwan din ng hamon ang pari sa lahat ng dumalo sa misa na ialay ang buhay at pagmamahal para maisakatuparan ang kaharian at kabutihan ng Diyos. Matapos ang banal na eukaristiya, kinilala at pinarangalan ang mga napiling S.M.E Awardees na nagpakita ng kabanalan at kabutihan ni Santa Maria Eugenia. Napuno ng masigabong palakpakan at malakas na hiyaw ang Assumpta Chapel sapagkat napakalaking karangalan ang magkaroon ng ganitong parangal.

Maraming maaaring maging kahulugan ang pagmamahal, ngunit sa kabilang banda, nakikita ito sa iisang layunin: ang magdulot ng kabutihan at positibong pagbabago. Nawa’y tumugon tayo ng “oo” sa tawag ng Diyos upang tayo’y kanyang maging instrumento para maipamalas ang kanyang pagmamahal.

This Post Has One Comment

Comments are closed.