You are currently viewing Assumpta, handa na muling mag-uwi ng medalya

Assumpta, handa na muling mag-uwi ng medalya

Balitang Sports
ni Peige Wyohan Gomez

Puspusan ang pagsasanay na isinasagawa ng mga atleta ng Assumpta Technical High School bilang paghahanda sa nalalapit na South Zone Athletic Meet na gaganapin sa iba’t ibang lugar sa Pampanga sa ika-22 hanggang ika-24 ng Nobyembre taong kasalukuyan.

Dumaan sa masusing pagsusuri ng kakayahan ang mga nagnais na mapabilang sa koponan ng mga manlalaro ng paaralan mula sa mga mag-aaral sa Junior at Senior High School noong nakaraang buwan. Ito ay matapos ang isinigawang oryentasyon at try-out ng departamento ng MAPEH sa pangunguna ng kanilang koordineytor na si G. Daniel Trono.

Matatandaang taong 2019 ang huling partisipasyon ng Assumpta sa nasabing patimpalak dulot na rin ng naranasang pandemya sa ating bansa. Sa kabila nito, muling susubok makasungkit ng medalya at maghatid ng karangalan sa paaralan ang mga manlalaro sa mga indibidwal na kategorya tulad ng badminton, taekwondo, athletics, at chess ngayong taon. Dahil naman sa potensyal na ipinakita ng mga mag-aaral noong Sports Festival, sa kauna-unahang pagkakataon ay magpapakitang-gilas ang mga Assumptan sa basketball matapos ang ilang taong hindi pagpapadala ng mga manlalaro rito. 

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang pagsasanay ng mga manlalaro pagkatapos ng kani-kanilang klase tuwing Lunes, Martes, at Biyernes at mula alas-otso hanggang alas-dose naman ng tanghali tuwing Sabado kasama ang kanilang mga gurong tagapagsanay na sina Bb. Lejan Sol Yambao, Gng. Lilet Marin, Bb. Zey Quizon, Bb. Rhea Manabat, G. Arian Pineda, at G. Marvin Pagdanganan. 

Limitado man ang oras at araw na ibinigay sa mga manlalaro ng paaralan, hindi pa rin maikakaila ang kanilang mga nagliliyab na puso upang maipakita ang kanilang talento at kakayahan sa iba. Dagdag pa rito ang mga panalangin at suportang patuloy na ibinibigay ng buong komunidad ng Assumpta na siyang lalong nagbibigay ng pag-asa sa kanila.

377284022_1052844772532482_7514306255687563216_n
387508253_665061229082475_4912438658053990069_n