You are currently viewing Assumptans, dinaluhan ang School Based- Assumpta Press Conference Competition

Assumptans, dinaluhan ang School Based- Assumpta Press Conference Competition

Balita

ni: Ehryne Keith Dominique Del Rosario

Pinangunahan ng Kagawaran ng Ingles at Filipino kasama ng Student Affairs Office ang kauna-unahang School Based- Assumpta Press Conference Competition na nilahukan ng mga mag-aaral mula ikaapat hanggang ikalabindalawang baitang sa Assumpta Technical High School nitong ika-19 ng Oktubre taong kasalukuyan.

Layunin ng aktibidad na ito na magbigay ng praktikal na karanasan sa pamamahayag sa mga mag-aaral para sa parehong indibidwal at grupong kategorya. Layunin din nitong matiyak na patas at tapat ang proseso ng pagpili para mapabilang sa ATHS Press Conference Team na sasailalim sa mga pagsasanay buong taon.

Sa pambungad na pananalita ng koodineytor ng Kagawaran ng Ingles na si Gng. Rosally Viray, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pamamahayag sa mga kalahok at ang pagkakaroon ng ganitong klaseng aktibidad na humihikayat sa mga mag-aaral na mahalin ang pamamahayag at ipamalas ang kanilang galing at talento. Sa huli, hinikayat niya ang bawat isa na magsaya at matuto sa mga aral na maaari nilang makuha mula sa karanasang ito.

Ibinahagi naman ng koordineytor ng Kagawaran ng Filipino na si Bb. Jannie Loren Chavez ang estruktura ng kompetisyon, mga indibidwal at grupong kategorya, mga alituntunin, at ang mga itinalagang tagapagsanay at tagasuri.

Matatandaang nagkaroon muna ng Pre-Journalism Training ang mga kalahok noong ika-28 ng Agosto, 2024 sa pangunguna ni G. Carlo Lorenzo J. Datu, Assistant Regional Director ng Philippine Information Agency Region 3, na nagbigay- kaalaman sa mga pangunahing kasanayan sa pamamahayag at ilang mga pagsasanay.

Lalahok sa San Simon District at Cluster X Schools’ Press Conference na magaganap sa susunod na taon ang mga nanalong mag-aaral at sisimulan naman ang ikalawang bahagi ng pagsasanay sa Nobyembre kasama ang Central Luzon Media Association, Pampanga Chapter.

I’m happy that the Assumptans are bouncing back to their love for journalism, despite the conflict to their schedules, madami pa ring nakapag push through and now I actually feel excited for the contestants to showcase their talents,” wika ni Students Affairs Coordinator Ginoong Orlando De Leon.

TINIG, KABATAAN, MIKROPONO! Narinig ang tinig ng Kabataang Assumptan sa tulong ng tatlong minutong pagbabalita gamit lamang ang mikropono para sa pagbabalitang radyo. Naipakita ang husay ng Assumptan sa paghahanda ng ulat, pagsasalita sa mikropono, at pagbibigay ng impormasyon sa mga tagapakinig. |Kuhang larawan at Kapsyon ni Bb. Niña Gragasin
SULONG, KABATAANG ASSUMPTAN! Dinaluhan ng mga kalahok mula intermediate hanggang SHS ang Kompetisyong Pampaaralang Kumperensiya ng mga Mamamahayag na Assumptan na pinangunahan nina G. Puno at Bb. Montemayor (mga gurong nasa podiyum) nitong ika-19 ng Oktubre taong 2024. Layon nitong makapili ng kabataang mamamahayag na isasabak sa mga kompetisyong gaganapin sa labas ng paaralan.
GALING NG ASSUMPTANS. Ipinamalas ang husay at pagkakaisa ng mga Assumptang sumali sa radio broadcasting sa pagsulat ng iskrip sa ginanap na Press Conference Screening nitong ika-19 ng Oktubre taong kasalukuyan. |Kuhang larawan ni Anne Eugenie Danielle Maniago
IISANG LAYUNIN. Iisang layunin ang hangad ng Assumpta para sa mga Assumptan sa ginanap na Press Conference Screening at ang puspusang pag-eensayo ng mga atleta ng Badminton nitong ika-19 ng Oktubre, 2024 — layuning maging mahusay at mailabas ng mga Assumptan ang kanilang natatanging abilidad at talento sa pagsulat man iyan o isport. |Kuhang larawan ni Bb. Ariane Montemayor
READY, SET, SULAT! Handa na sa pagsusulat ang mga manunulat ng balitang pampalakasan nang kapanayamin nila ang nagwaging koponan sa larong Badminton na sina G. Trono (berde) at Aliana (itim) kasama si Bb. Manabat (naka-floral). Dedikasyon ang puhunan para sa adhikang maging opisyal na mamamahayag ng Assumpta. |Kuhang larawan ni Bb. Ariane Montemayor