You are currently viewing ATHS Employees’ Week, ipinagdiwang

ATHS Employees’ Week, ipinagdiwang

Balita

ni Jewen Mizchel C. Cordova

Masayang ipinagdiwang ng mga kawani ng Assumpta Technical High School ang isang linggong selebrasyon ng Employees’ Week nitong ika-02 hanggang ika-06 ng Oktubre taong kasalukuyan. 

Napuno ng iba’t ibang pakulo ang bawat araw dahil sa mga sorpresang inihanda ng Assumpta Student Board (ASB) Officers, mga mag-aaral, at pamunuan ng paaralan upang parangalan ang determinasyon at dedikasyon ng mga empleyadong naninilbihan sa Assumpta. 

Sinimulan ang selebrasyon noong ika-02 ng Oktubre kung saan masayang sinalubong ng Assumpta Dance Troupe (ADT) ang mga kawani sa pamamagitan ng isang nakaiindak na sayaw. Kasabay nito ang pagbibigay ng mga sopresang inihanda ng mga ASB officers at Admin tulad ng pagkain, tsokolate, gamit sa paaralan, at rosaryo. 

Naghanda naman ng iba’t ibang sorpresa at regalo ang bawat baitang upang ipagdiwang ang Employees’ Week sa loob ng kanilang silid mula ika-03 hanggang ika-05 ng Oktubre. Pinangunahan ng mga ASB officers at mga piling mag-aaral sa Senior High School ang sorpresa sa mga nasa departamento ng Grade School at mga piling mag-aaral naman sa Junior High School para sa Pre-school. Ang mga opisyales naman ng bawat pangkat ang nanguna sa departamento ng JHS at SHS. 

Natapos ang selebrasyon noong ika-06 ng Oktubre sa pamamagitan ng isang Thanksgiving Mass na dinaluhan ng mga mag-aaral mula ikaapat hanggang ikalabindalawang baitang. Sinundan naman ito ng isang maikling programa na pinamagatang “Assumptanghalan” kung saan nagpamalas ng angking galing ang bawat clubs tulad ng Dulaang Assumpta Technical High School (DATHS), Glee Club, Acoustic Club, Lente, at Assumpta Dance Troupe (ADT) upang bigyang-pugay ang mga kawani at guro ng paaralan. Nagbigay rin ng mensahe at regalo ang Assumpta Employees’ Association (AEA), Assumpta Alumni Association (AAA), ASB bilang kinatawan ng mga mag-aaral, at Parent-Teacher Association (PTA). 

Pinasalamatan naman ng punongguro ng paaralan na si Gng. Arlene Carlos ang mga kawani sa pagbibigay nila ng kanilang sarili at patuloy na pagyakap sa misyon sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kinakaharap ng paaralan. 

Nagtapos sa kasiyahan at salo-salo ang pagdiriwang sa Assumpta Court 1.