You are currently viewing Bagong SHS Organizations, inilunsad

Bagong SHS Organizations, inilunsad

Balita

ni Kim Charles M. Cano

Inilunsad ang mga bagong organisasyon para sa mga mag-aaral na nasa Senior High School nitong ika-18 ng Setyembre ng taong kasalukuyan sa Assumpta Court 1. Layon ng aktibidad na ito na makabuo ng magandang samahan ang bawat mag-aaral habang hinuhubog ang kanilang mga kakayahan at interes at makatuklas ng mga bagong kaalamang kanilang magagamit sa kursong kanilang tatahakin.

Sinalubong ng talumpati mula kay Gng. Marlyn Simbulan ang mga mag-aaral ng Senior High School upang opisyal na ianunsyo ang paglulunsad ng kauna-unahang SHS Organizations sa paaralan. Binubuo ng limang organisasyon ang SHS Organizations kabilang ang Accountancy, Business, and Management (ABM) Organization para sa mga mag-aaral na nasa ABM strand sa pangunguna ng kanilang Org. Adviser na si Bb. Jaira Rose Sunga at Humanities and Social Sciences (HUMSS) Org. naman para sa mga mag-aaral ng HUMSS strand na pinamumunuan naman ni G. Adriane Vergara. 

Nahahati naman sa tatlong pangkat ang mga organisasyong para sa mga mag-aaral ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) strand. Binubuo ito ng Science Org. para sa mga mag-aaral na nais tahakin ang mga kursong gaya ng Agham at Medisina na pinangangasiwaan ni Bb. Gayle Pamintuan. Technology Org. naman para sa mga mag-aaral na gustong pasukin ang mga kursong may kaugnayan sa teknolohiya na siyang pinangungunahan naman ni Gng. Apple Billena. Panghuli ay ang Engineering and Math Org. para sa mga mag-aaral na nais maging inhinyero at iba pang may kaugnayan sa larangan ng matematika na siyang pinangangasiwaan naman ni Bb. Anne Rose Bermudo.

Kasabay nito, ay ang muling pagpili ng mga mag-aaral na nasa Junior High ng kanilang lalahukang mga Regular Club ngayong taon na isinagawa nitong ika-11 ng Setyembre. Malayang pumili ng lalahukang clubs ang bawat mag-aaral sa Performing Arts Clubs, Service Clubs, Skills Clubs, at Sports Clubs. Kasama rin dito ang mga bagong itinatag na mga clubs gaya ng Crochet Club, Speech Club, at Sepak Takraw. Naganap naman nitong ika-25 ng Setyembre ang pagsasapinal ng kanilang mga miyembro maging ang oryentasyon at eleksyon ng mga opisyales sa bawat club. Tumulong at gumabay ang mga ASB Officers sa mga kapwa nila Assumptan sa mga aktibidad na ito.

Sinimulan na rin ang pagtanggap ng mga miyembro ng JHS Elective Clubs nitong ika-18 ng Setyembre kasabay ang club recruitment ng mga mag-aaral mula sa Intermediate Level at ang kauna-unahang pagpupulong onsite ng mga nasa Primary Level. Muling isasagawa ngayong taon  ang pagpupulong sa paaralan ng bawat club sa departamento ng Grade School matapos ang tatlong taong pagsasagawa nito online. 

Sa kabilang banda, nitong ika-21 naman ng Setyembre, sa pangunguna ng mga guro sa Pre-school, nasimulan na rin ang kanilang club meeting. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon na ng lalahukang club ang mga nasa Kinder 2 at ito ay ang Squirrel Scouts, Curious Minds, at Young Athletes.