Balita
ni Bb. Kate D. Fajardo
Isinagawa na noong ika-24 ng Nobyembre taong kasalukuyan ang face-to-face Home Visitation sa mga mag-aaral ng Assumpta Technical High School na nagmula sa mga bayan ng Apalit at San Simon matapos ang humigit kumulang na tatlong taong pagsasagawa nito online dulot na rin ng nagdaang pandemya.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/393143740_1102461051112876_5454355443388135680_n-1-1-1024x576.jpg)
Ang Home Visitation Program ay isa sa mga programa ng Guidance Office na may layuning alamin ang tunay na kalagayan ng bawat mag-aaral sa kani-kanilang tahanan – upang sila’y lalo pang maunawaan at mabigyan ng nararapat na tulong at atensyon ayon sa kanilang pangangailangan. Layon din nitong matukoy ang study habits at pag-uugali ng mag-aaral sa tahanan, mga problemang kasalukuyang nararanasan ng pamilya, makabuo ng active partnership sa pagitan ng mga magulang at paaralan, at higit sa lahat ay makakalap ng higit na datos na magagamit sa pag-aanalisa ng tuition fee ng isang mag-aaral para sa susunod na taong panuruan.
Sa taong ito, binigyang-pansin ang mga mag-aaral mula sa Kinder 2, Grades 1, 3, 6, 7, 9 at 11, mga transferees, mag-aaral na mas nangangailangan ng paggabay at mga isinangguni sa tanggapan ng Guidance o referred learners. Bawat kawani at guro ay naitalagang bisitahin at kapanayamin ang anim na mag-aaral o higit pa sa nasabing aktibidad.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/371521036_1335573370653423_6044703849087607126_n-1-1024x490.jpg)
Bago ito ay masusing paghahanda ang isinagawa ng Guidance Office sa pangunguna ni Gng. Karen Ocampo kasama ang mga Guidance Counselors upang maging handa ang mga kawani sa pakikipanayam sa pamamagitan ng pagbibigay ng oryentasyon. Bagaman hindi natuloy ang unang itinakdang iskedyul para rito noong ika-10 ng Nobyembre, higit namang naging makabuluhan ang naging karanasan ng bawat isa dahil na rin sa mainit na pagtanggap ng bawat pamilya sa mga guro at kawani.
Ang Home Visitation Program ng paaralan ay isa sa mga patunay ng pagsasabuhay ng school thrust ngayong taon, ang makinig sa mga magulang at bawat mag-aaral, at ibigay ang nararapat na pagtugon ayon sa kanilang realidad at ng paaralan. Ang susunod na Home Visitation ay magaganap naman sa ika-30 ng Enero, araw ng Martes, para sa mga mag-aaral na mula sa Minalin at iba pang karatig-bayan.