You are currently viewing Family Days Celebration, idinaos sa diwa ng pag-asa at sinodalidad

Family Days Celebration, idinaos sa diwa ng pag-asa at sinodalidad

Balita

ni Josh Mykel B. Maniego 

Naging mabunga ang pagdiriwang ng Family Days Celebration sa loob ng tatlong araw sa Assumpta Technical High School nitong ikapito hanggang ikasiyam ng Pebrero 2025 na mayroong temang: “Assumpta Family as Pilgrims of Hope in the Spirit of Synodality.”  

Sinalubong ng mga mag-aaral mula sa ika-10 baitang ang mga kapwa nila mag-aaral, mga guro, mga kawani, at mga bisita sa kabuuan ng pagdiriwang ng family days hawak ang kanilang mga makukulay na arko at iba pang mga kagamitan kasabay ng mga nakakaindak na awit at sayaw maging ang pagbibigay ng mga stub para sa libreng taho at stik-o. 

Sa unang araw ng pagdiriwang, nagbigay si Gng. Arlene Carlos, ang punong guro, ng isang talumpati upang pormal at malugod na buksan ang pagdiriwang ng Family Days. Nagkaroon din ng isang espesyal na pambungad na liturhiya kung saan naganap ang prusisyon ng imahe ng Birheng Maria upang hilingin ang kanyang gabay at pagpapala.  

Sa loob ng tatlong araw na selebrasyon, nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad na inabangan ng mga buong komunidad tulad ng family tree planting activity at isang formation session na pinamagatang Talk: Becoming a More Synodal Family na pinangunahan ni Mr. Lord Leomer B. Pomperada at dinaluhan naman ng mga mag-aaral mula ikapito hanggang ikasampung baitang. 

Pinangunahan naman ng Parent Teachers Association Officers ang kanilang mga inihandang gawain tulad ng Fun Run and Zumba, Family Presentations, at Bingo na lalong nagpasaya sa pagdiriwang. 

Nagpamalas din ng galing at talento sa pagsayaw sa pangunguna ng departamento ng MAPEH ang mga mag-aaral mula Pre-school hanggang ikasampung baitang matapos ipakita ang kanilang presentasyon na mayroong iba’t ibang tema sa bawat araw ng selebrasyon na tunay na inabangan ng kani-kanilang pamilya at ng buong komunidad. Kasabay nito ang pagpapakitang gilas din ng mga empleyado at stakeholders ng paaralan sa kanilang inihandang pagtatanghal. 

Hindi rin nagpahuli ang mga structured activities na inihanda ng mga organisasyon sa Senior High School Department at mga club sa Junior High School sa kanilang mga pakulong booths, food stalls, at exhibits na lalong nagbigay-kulay at sigla sa selebrasyon. 

Sa huling araw ng pagdiriwang, nagkaroon ng isang misa na dinaluhan ng bawat pamilya. Nagsilbi rin itong daan upang maitalaga ang mga Assumpta Alumni Association Officers sa kanilang mga tungkulin.  

Nagkaroon din ng pagtatanghal ng isang cultural show sa World of Dance na kinabibilangan ng mga piling mag-aaral sa bawat baitang at mga guro sa MAPEH. Samantala, ang mga organisasyong ATecHS at Humanistas naman ay nagsama upang maghanda ng isang culminating video na talaga namang nagpakita sa mga pangyayaring naganap sa loob ng tatlong araw na pagdiriwang.  

Nagbigay din ng isang talumpati ang Family Days Ad Hoc Chairman na si G. Rodel Santos kung saan nagpasalamat siya sa lahat ng mga nakiisa at taos-pusong nagbigay ng kanilang mga sarili upang bigyang-buhay ang pagdiriwang. Dagdag pa, binigyang-diin niya rin ang pagtatag para sa komunidad ng isang kinabukasan kung saan laganap ang ilaw ng pag-asa.  

Sa huli, muling nagsagawa ang paaralan ng isang prusisyon para sa imahe ng Birheng Maria na sinabayan ng pag-awit ng Assumption School song, tanda ng pasasalamat ng Assumpta sa kanyang walang hanggang pagbibigay ng gabay sa bawat gawain ng paaralan.