You are currently viewing Ikasiyam na Baitang, Isinugong mga Bagong Katekista

Ikasiyam na Baitang, Isinugong mga Bagong Katekista

Balita

ni Christian Jake Garcia

Noong ika-16 ng Enero, araw ng Martes taong kasalukuyan, kasama ang mga nasa ikapito hanggang ikalabing-isang baitang ay idinaos sa Assumpta Chapel ang isang Send-Off Mass sa pangunguna ni Reb. Pdr. Bong Feliciano para sa mga mag-aaral sa ikasiyam na baitang na nagnanais maging batang katekista. Layunin ng programang ito na bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na maisabuhay ang kanilang buhay pananampalataya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga sarili at kaalaman sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa mga bayan ng San Simon at Minalin.

Sa homilyang ibinahagi ni Reb. Pdr. Bong, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mahabang pang-unawa at pasensya sa mga kabataang kanilang tuturuan dahil katulad nila ay minsan din silang naging bata na may taglay na kakulitan.

Matapos ang homilya, nasaksihan ng lahat ng nasa kapilya ang pormal na pagsusugo sa isang daan at animnapu’t limang mag-aaral ng ikasiyam na baitang bilang mga katekista. Sinimulan ito sa pagbubukas ng mga kandila sa pangunguna ng mga lider ng bawat seksyon at panunumpa o rito para sa pagsusugo. Sinundan naman ito ng pagbibigay ni Gng. Arlene Carlos ng tugon sa hiling ng mga katekista. Panghuli, ang pagbabasbas ng pari sa mga krus na kanilang isusuot bilang tanda ng kanilang pagtugon sa hamon at pagsasabuhay kay Hesus.

Matatandaang ang programang ito ay sinimulan noong taong 1982 at patuloy pa ring isinasagawa ng paaralan upang maging instrumento ang mga mag-aaral sa pagpapalaganap ng misyon ni Hesus sa sanlibutan.

Nagtapos ang programang ito noong ika-29 ng Pebrero, 2024, na kung saan tinungo at nakapagbahagi ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ng Sto. Niño Elementary School, San Isidro Elementary School, San Jose Central Elementary School, at Sta. Maria Elementary School.

439374851_460070336398411_4446864316408335992_n
440127641_1095528295010444_8424901874830272716_n