Lathalain
ni Bb. Ariane C. Montemayor
“Kailan mo masasabing number one sa buhay mo ang Diyos?”
Ito ang unang tanong na ibinahagi ni Fr. Ben Hur Borja sa unang sesyon sa Retreat na dinaluhan ng mga kawani ng Assumpta Technical High School sa Assumption Sabbath Place, Baguio City noong ika-26 hanggang ika-28 ng Oktubre taong kasalukuyan. Ang Retreat ay isa sa mga pinakahihintay na gawain sa paaralan upang pansamantalang magpahinga ang bawat kawani at magnilay kasama ang Diyos.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/385520737_292674830397230_3436007828132078328_n-1-1024x369.jpg)
Kailan nga ba natin masasabing number one sa buhay natin ang Diyos?
Sa gitna ng napakaabalang araw na lumilipas sa ating buhay na punong-puno ng mga gawaing kailangang matapos, kasabay pa ng kani-kaniyang personal na dalahin, may oras pa ba para tayo ay makapagnilay at huminto sandali upang magkaroon ng pagkakataon na makausap ang Diyos at makumusta sa kahit ilang minuto lamang ang ating relasyon sa kanya? Madaling sabihing oo, pero aminin man natin o hindi, minsan o kadalasan hindi Siya ang prayoridad ng buhay natin. Nakakakonsensiya hindi ba?
Kung ang pangangailangan natin sa hangin ay hindi katulad ng pangangailangan natin sa Diyos, baka nga hindi siya ang una sa buhay natin. Pero, sa gitna ng mga laban na hinaharap natin sa buhay, kailangan nating magpakatotoo at aminin na kailangan natin ang Diyos at hindi natin kaya nang mag-isa.
Tunay na kahanga-hanga ang isinasaad ng Psalm 139. Ito ay maaari rin nating panghawakan lalo na sa panahong tila nanghihina na ang ating personal na relasyon sa kanya at tayo’y nalulunod na sa mga gawaing dapat nating matapos. Kasama na ang mga personal nating mga problema sa kani-kaniya nating buhay.
Kasama natin ang Diyos.
Hindi tayo nag-iisa.
Kilalang kilala Niya tayo higit pa sa kaninuman.
Alam Niya ang higit na makabubuti sa atin.
Ang sarap sa pakiramdam na sa gitna ng abalang pag-ikot ng mundo at mga pinagkakaabalahan natin, sa isang bagay nakakasiguro tayo. Kasama natin ang Diyos saanmang direksyon ng buhay tayo magtungo.
Sa mahabang daan ng paglalakbay sa buhay, nasaan na nga ba tayo? Puno ng pangamba? Stress na stress na? Pasuko na ba?
Hindi pa.
Hindi man perpekto ang buhay na mayroon tayo, huwag nating kalilimutan na kayang-kaya nating lampasan lahat ng pagsubok na maaari nating pagdaanan. Kailangan lang nating magtiwala at palaguin ang relasyon natin sa Kanya. Sabi nga sa liriko ng awitin, “Huwag kang mangamba, di ka nag-iisa, sasamahan kita, saan man magpunta….” Tiyak ito, sigurado na tayo, kaya bakit tayo matatakot? Nakabantay ang Diyos, malapit na malapit sa atin.
Masyado lang maingay ang mundo. Ang ingay na ito ang nagiging dahilan kung bakit nakakalimutan natin ang Diyos. Mainam na sa gitna ng maingay na mundo, nang madilim nating mga karanasan, anyayahan natin ang Diyos na samahan tayo. Siya ang ating magiging kapayapaan sa gitna ng ingay. Siya rin ang ating magiging liwanag sa gitna ng madilim na pagsubok na ating pinagdaraanan. Minsan natatakot tayo dahil hindi buo ang tiwala natin sa kanya. Ngunit kailangan nating labanan ang takot na ito at tingnan ang Diyos sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Tandaan lang natin na ayaw ng Diyos na nasasaktan tayo dahil mas nasasaktan Siya. Ganito tayo kahalaga sa Kanya.
Sabi nga sa Psalm 23, “Ang Panginoon ang aking Pastol hindi ako magkukulang ng anuman.” Mahaba pa ang paglalakbay natin sa buhay, pero higit na masarap sa pakiramdam ang maglakbay kasama ang Diyos, kasama si Hesus. Kapag napagod ka na, pahinga lang pero walang sukuan dahil ang Diyos kailanman ay hindi tayo susukuan at handa tayong damayan sa lahat ng ating pagdaraanan.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/385514904_997128098042096_1870470841847940020_n-1-1024x422.jpg)
![384567793_308596335446418_4562306020080641845_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/384567793_308596335446418_4562306020080641845_n-150x150.jpg)
![385560511_3558488694479874_1601633214730902487_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/385560511_3558488694479874_1601633214730902487_n-150x150.jpg)
![370283107_275641852141007_411190008188980845_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/370283107_275641852141007_411190008188980845_n-150x150.jpg)
![376573541_1026396071915426_1543517920299354900_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/376573541_1026396071915426_1543517920299354900_n-150x150.jpg)
![385493283_1182935575996217_8644935308380261779_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/385493283_1182935575996217_8644935308380261779_n-150x150.jpg)
![385562645_698679128862654_5254915648618721184_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/385562645_698679128862654_5254915648618721184_n-150x150.jpg)
![377245490_1473377186612193_1690057082938889953_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/377245490_1473377186612193_1690057082938889953_n-150x150.jpg)
![370148151_870310444506935_8618244810198388259_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/370148151_870310444506935_8618244810198388259_n-150x150.jpg)
![384546117_243837621755978_5587271685814979724_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/384546117_243837621755978_5587271685814979724_n-150x150.jpg)
![386871047_1494148134467424_7873698253260082799_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/11/386871047_1494148134467424_7873698253260082799_n-150x150.jpg)