Balita
ni Katrina Paula San Mateo
Inilunsad ang pagdiriwang ng National Reading Month at Book Week Celebration noong ika-6 ng Nobyembre na may temang “Read. Reread. Relive: The ATHS Edition” sa pangunguna ng Learning Resource Center o LRC ng paaralan. Layon ng pagdiriwang na ito ang maikintal sa isip ng bawat miyembro ng komunidad ang kahalagahan ng pagbabasa at hikayatin ang lahat na maranasan ang hiwaga ng mga salita sa bawat pahina ng mga aklat.
Ibinahagi sa paglulunsad ang mga aktibidad para sa mga mag-aaral mula sa Pre-school hanggang Senior High School at pati na rin sa mga guro at kawani ng paaralan kaugnay ng pagdiriwang na ito. Kabilang sa mga gawain sa pagdiriwang ay ang Drop Everything and Read (DEAR) Time para sa mga mag-aaral mula sa Grade School Department. Ang aktibidad na ito ay may layuning hikayatin ang mga mag-aaral sa pagbabasa ng mga aklat sa loob ng silid-aralan. Nagkaroon naman ng Storytelling Activity at A Book of Kindness Activity para sa mga mag-aaral mula sa Pre-school department at Storytelling at Guess the Book Title Activity para sa mga mag-aaral mula sa Baitang 1, 2, at 3. Nagkaroon din ng Read-a-thon (RAT) Activity ang mga nasa ikaapat na baitang habang ang mga nasa ikalima at ikaanim na baitang ay Battle of the Books. Isinagawa rin ang paligsahan sa paggawa ng sariling wakas ng kwento para sa mga nasa ikaapat hanggang ikaanim na baitang.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/400875623_801818995044987_2669548170558819745_n-1-1024x520.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/386897317_370814565493847_8441319398602716205_n-1-1024x548.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/405894676_2834692656671874_5053308754731887049_n-1024x504.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/370261626_1314382715942997_4888019796849681471_n-1024x559.jpg)
Nagtagisan naman ng kanilang husay ang mga mag-aaral na nasa Junior High School sa isinagawang paligsahan na may pamagat na Create an Alternative Book Title at Reading Bingo na kung saan sila ay hinikayat na tapusin at gawin ang mga hamon na nasa kanilang bingo card. Para naman sa mga mag-aaral na nasa Senior High School, sila ay hinikayat na magbasa ng mga aklat na may mga mas malalalim na tema gaya ng mga nobela. Maliban dito, nagkaroon din sila ng paligsahan sa pagdidisensyo ng Book Cover. Tuesday with Mitch naman ang pamagat ng gawain para sa mga guro at mga kawani ng paaralan na kung saan inaanyayahan silang magbasa ng libro tuwing Martes na isinulat ni Mitch Albom. Climbing the Mountain mula kay Kirk Douglas naman ang babasahing libro ng mga miyembro ng Core Group.
Itinampok naman sa library display ang mga nakakaengganyong book display sa loob ng silid-akalatan na maaaring bisitahin ng mga mag-aaral. Kasabay nito ang pagkakaroon ng Author Spotlight na kung saan ipinakita sa telebisyon ang iba’t ibang huwarang manunulat bawat linggo. Maliban sa mga gawaing ito, nagsagawa din ng Book Donation Drive ang LRC, Family Reading, Reading logs and Journals, Book reviews at ang pinakainabangan ng lahat, ang Book Fair mula sa MRAS Book Trading sa loob ng Assumpta Court 1.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/401171407_248054138132183_3631758124863566642_n-1024x805.jpg)
Naging kapana-panabik naman ang naging pagtatapos ng pagdiriwang na ito noong ika-29 ng Nobyembre dahil sa pagkakaroon ng Character Dress up na kung saan ang lahat ng miyembro ng komunidad ay nabigyan ng pagkakataong ipakita ang kanilang paboritong karakter gamit ang iba’t ibang recycled materials. Kasabay nito ang pagkakaroon ng maikling programa upang balikan ang lahat ng mga gawain at aktibidad na isinagawa sa buong buwan kasama na rin ang paggagawad ng parangal sa mga mag-aaral at kawaning nakibahagi at nagpamalas ng angking talino at galing sa iba’t ibang patimpalak na kanilang sinalihan.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/403411522_1334193143903226_7258135451519629234_n-1024x768.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/409576220_1365444900759006_3531967212397951800_n-1024x768.jpg)
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/12/370300105_1397927234475829_4517498071718834943_n-1024x768.jpg)