You are currently viewing Pagdiriwang ng Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Birheng Maria, inabangan ng buong komunidad ng Assumpta 

Pagdiriwang ng Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Birheng Maria, inabangan ng buong komunidad ng Assumpta 

Balita ni Bb. Kate D. Fajardo 

Nagsilbing paalala ng pananampalataya, pag-asa, at pagkakaisa ang naging selebrasyon ng Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Birheng Maria o Assumption Feast Day noong ika-15 ng Agosto taong kasalukuyan, dahil sa mga gawaing inihanda para sa buong komunidad ng Assumpta Technical High School. Sa pamamagitan ng sama-samang pagdiriwang, muling pinagtibay ng mga mag-aaral, kawani, at ibang mga bisita ang kanilang espiritwal na ugnayan at debosyon sa Mahal na Ina. 

Sinimulan ang pagdiriwang sa isang taimtim na prusisyon ng imahe ng Mahal na Birheng Maria, na nilahukan ng mga kawani at mag-aaral mula ikaapat hanggang ikalabindalawang baitang, bitbit ang kanilang mga rosaryo at puting panyo. 

Sinundan ito ng Banal na Misa sa pangunguna nina Reberendo Padre Joselito Vital at Reberendo Padre John Lu Allan Nucum. Sa homilya, binigyang-diin ang kahulugan ng pag-ibig na handang magsakripisyo, gaya ng pagmamahal na ipinakita ni Maria sa pagsunod sa kalooban ng Panginoon. Nagkaroon din ng pag-aalay ng bulaklak kay Inang Maria matapos nito. 

Matapos ang misa, malugod na tinanggap ng mga madre, sa pangunguna ni Sr. Josefina Maria T. Magat, RA, ang mga regalong inihandog ng mga mag-aaral at kawani, sa pamumuno nina Erin Caeleigh Saul, Pangulo ng Senior Assumpta Student Board (ASB), at G. Rodel Santos, Pangulo ng Assumpta Association (AEA). Masayang ibinalita ni Sr. Josefina na ang mga regalong ito ay magiging bahagi ng programang “Piso Para sa Iskolar” ng paaralan. 

Ibinahagi rin ni G. Christin David, Class Adviser Moderator, na ang nalikom na donasyon ng mga Assumptans sa buong linggo ay magsisilbing “lamak” kay Virgen De Los Remedios, ang patron ng mga Kapampangan, kasama ng Santo Cristo Del Perdon na kasalukuyang nasa Parokya ng Virgen De Los Remedios sa Minalin, Pampanga. 

Isinagawa rin ang pagbabasbas sa imahe ng Mahal na Birhen, na bahagi ng Legacy Project ng mga nagsipagtapos sa Senior High School noong taong panuruan 2024–2025. 

Sa ikalawang bahagi ng pagdiriwang, labis ang kasiyahang nadama ng bawat isa sa maikling programang inihanda ng mga opisyales ng Assumpta Student Board na may temang “Pista para kay Maria: Araw ng Pasasalamat at Pagkakaisa.” Tampok sa programa ang iba’t ibang palaro na nilahukan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan gaya ng Gimme 5, Huwag Mo Akong Bitiwan, Pabitin, at Giant Volleyball. Nagkaroon din ng presentasyon ang Assumpta Dance Troupe (ADT). Nagtapos ang pagdiriwang sa isang masayang salu-salo ng mga kawani ng paaralan sa munting handaan na tinatawag na Assumption Agape. 

Matatandaang bago ang araw ng kapistahan, isinagawa ang siyam na araw na nobena, pagbabahagi ng maikling katekismo tungkol sa kapistahan sa pamumuno ni G. Adriane Vergara, Koordineytor ng Kagawaran ng Christian Living Education, sa mga gurong tagapayo, at pagpapaliwanag ng kahalagahan ng kapistahan sa mga mag-aaral mula una hanggang ikatlong baitang. 

Tunay na ang pagdiriwang na ito ay paalala sa bawat isa ng kahalagahan ng pagtugon sa kalooban ng Diyos. Katulad ng ginawa ni Inang Maria, ang bawat isa ay nagkaroon ng sigla at kalinawan sa kanilang tunay na misyon, isang alay para sa Assumpta.