Balita
ni Angel Ashlie Vesina
Napuno ng kasiyahan hindi lamang ng mga mag-aaral kung hindi maging ng mga guro at mga magulang ang Assumpta Court 2 matapos ang isinagawang Preschoolympics na isa sa programa ng Assumpta Student Board para sa mga mag-aaral ng preschool noong ika-19 ng Enero taong kasalukuyan. Layunin ng gawaing ito na magbigay-tuwa sa mga mag-aaral sa kinder 1 at kinder 2 habang nakabubuo ng magandang pagkakaibigan at natututo ng mga magagandang aral tulad ng disiplina at pagpapahalaga sa sariling kultura sa pamamagitan ng iba’t ibang Larong Pinoy.



Sinimulan ang programa sa pangunguna ng mga opisyales ng ASB. Ang unang gawain na tinawag na Zumbulilit na siyang nagpaindak at nagpahiyaw sa mga mag-aaral. Sinundan naman ito ng pagsisimula ng iba’t ibang Larong Pinoy na nilahukan ng mga mag-aaral na nahati sa iba’t ibang pangkat at kulay mula sa Kinder 1 at Kinder 2 tulad ng Capture the Flags na hango sa palosebo, Obstacle Relay na hinaluan ng piko, Shoot the Ball na sinamahan ng Chinese Garter, pukpok-palayok, Pepsi 7-UP, at pabitin. Lubos namang nagpasaya at nagpamagha ang iba’t ibang papremyo na ibinigay sa mga nanalong mag-aaral. Tiniyak din ng mga guro at mga opisyales ng ASB na ang bawat isa ay may patas at kani-kaniyang pagkakataon upang makasali sa mga laro, maging ang kanilang kaligtasan.
Sa huli, hinirang na nagwagi ang parehong grupo ng blue at yellow team para sa Kinder 2, at ang green team naman para sa Kinder 1. Bukod pa rito, naiuwi ng red team mula sa Kinder 2 at orange team mula sa Kinder 1 ang Sportsmanship Award na nagpapatunay na sa bawat laban, hindi lamang ang tagumpay ang mahalaga, kundi pati na rin ang pagpapakita ng magandang asal at pakikipagkapwa.
Nagtapos ang programa sa isang Agape o salusalo na isinagawa sa loob ng silid ng mga mag-aaral kasama ang kanilang mga kamag-aral at guro habang sila rin ay nagbabahagi ng kanilang mga karanasan.







