You are currently viewing Radikal ang Magmahal

Radikal ang Magmahal

Lathalain

ni Gng. Arbhee M. Salazar

Atty. Leni Rebredo, habang pinapanood ng mga dumalo sa block screening ng "And So It Begins" noong ika-23 ng Agosto, 2024 sa SM City Pampanga. Larawang kuha ni Gng. Arbhee Salazar.
Mga guro at mag-aaral ng Assumpta Technical High School na kasamang nanood sa block screening ng "And So It Begins" noong ika-23 ng Agosto, 2024 sa SM City Pampanga.
Mga piling mag-aaral ng Assumpta Technical High School kasama ang dating senador na si G. Bam Aquino para sa block screening ng "And So It Begins." Larawang kuha ni Bb. Jane Camille Ramirez
Dating senador Bam Aquino habang nagbibigay ng mensahe at pasasalamat sa mga dumalo para sa block screening ng "And So It Begins" noong ika-23 ng Agosto, 2024 sa SM City Pampanga. Larawang kuha ni Gng. Arbhee Salazar
Mga guro at mag-aaral ng Assumpta Technical High School bago magsimula ang block screening ng "And So It Begins" noong ika-23 ng Agosto, 2024 sa SM City Pampanga.

Gaano nga ba kalalim ang kayang arukin ng isang pusong nagmamahal? Pagmamahal na handang lumaban kahit walang kasiguraduhan? Pagmamahal na kayang magsakripisyo kahit nasasaktan? Pagmamahal na kayang magtiwala kahit wala nang pag-asa? O pagmamahal na handang magpatuloy kahit maraming humahadlang? 

Paano nga ba mailalarawan ang malalim na pagmamahal? Marahil sapat na ang salitang RADIKAL. Kahit mahirap. Kahit walang kasiguraduhan. Kahit maraming humahadlang. 

Ang nagmamahal nang radikal, marunong umunawa, marunong magsakripisyo, marunong maghintay. 

Dalawang taon pagkatapos ng eleksyon, sinubok ang ating pagmamahal sa bayang sinilangan. Pagmamahal na nagpamulat sa atin ng katotohanan. Katotohanan na naglalarawan ng tunay na kalagayan ng ating inang bayan. 

Uhaw tayo sa lider na may prinsipyo at dedikasyon; isang lider na handang tumindig para sa kanyang nasasakupan, lider na kapakanan ng mamamayang pinagsisilbihan ang kanyang prayoridad, lider na handang makinig at magbigay ng radikal na pagmamahal–dahil ito ang ating kailangan, dahil ito ang nararapat. 

Dalawang taon na ang nakalipas nang tayo ay maimulat sa katotohanan, na kailangan tayo ng ating inang bayan sa panahon ng pagbuo ng pinakamahalagang desisyon sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa. Mula rito, nabuhay ang bolunterismo. Tila ito ay apoy na naglagablab sa puso ng bawat Pilipinong uhaw sa pagbabago. Magkakasamang tumindig para sa bayan. 

Sa huli, nagdesisyon ang taong bayan- ang lagablab ng apoy na sinimulan ay tila naging maandap ang liwanag. Binalot ng pighati ang pusong nasawi. At ang tanging nasambit, “Napakahirap mong mahalin, bayan!” 

Ganito nga ba kasakit magmahal? Buong pusong inilaban, boluntaryong nagbigay ng sarili para sa pangarap na pagbabago sa bayan lalo na para sa mga nasa laylayan. Ngunit sa huli, naiwan ang pusong nasaktan. Tila pinagkaitan ng pagkakataong marinig ng karamihan. Nawalan ng pag-asang makita ang isang rosas na bukas na nangangako ng tapat na liderato. Isang pangarap na hanggang ngayon ay mananatiling pangarap na lamang sapagkat ang desisyon ng karamihan ay ating iginagalang. 

Pagkatapos ng lahat ng ito, Pilipinas, tapos na ba? 

Ang inorganisang block screening ng pelikulang “And So It Begins” ng mga boluntaryo ng Angat Pampanga nitong nakaraang ika-23 ng Agosto, 2024 sa SM City Pampanga na dinaluhan ng mga kaguruan ng Araling Panlipunan at ilang mga mag-aaral ay isang balik-tanaw sa ating naging karanasan dalawang taon na ang nakalilipas. Muling sinariwa ang mga karanasang ito at tunay na nakakakilabot ang pagkakaisa ng mga Pilipinong nagsabuhay at nagpahalaga ng bolunterismo.  

Tapos na nga ba? 

Hindi pa. 

Radikal tayo kung magmahal, iyan ang maliwanag sa ating karanasan. Tayo ay namulat at di na kailanman pipikit upang hindi na muling matunghayan ang mga nakakagambalang pangyayari sa ating bayan. Ang labang sinimulan ay hindi pa natatapos kung ito ay para sa bayan. Hangga’t may Pilipinong hindi sumusuko at handang maglingkod para sa bansa, hindi tayo bibitaw. Tayo ay patuloy na titindig at maninindigan.