Tula
ni: Lady Jenness Fiat B. Patiag
Tila ba kandilang nagbibigay ng kaliwanagan?
Patungo sa kanilang tatahaking daan?
Mga tanong na naglalaro sa aking isipan.
Nararamdama’y minsa’y hindi maisalarawan.
Sa kabataan ituturo, kaalamang kinakailangan,
Sa nakagagambalang umaga, handang umunawa.
Libo-libong boses ma’y kinakalaban,
Tinig may nahihirapang makipagsabayan,
Patuloy pa ring pupunan ng kaalaman,
Batang pag-asa ng sambayanan.
Sa pabago-bagong mundo,
Paano nga ba ako magiging epektibo?
Sa realidad na hindi biro,
Paano nga ba ang pagkatuto?
Nais kong mahubog ang mga puso,
Upang maging susi at daan,
Sa pamamagitan naming mga guro,
Katas ng pagsisikap ay batang makabayan.
Itong trabahong labis na walang katiyakan,
Lahat pinaghihirapan at iniiyakan.
Gantimpala ko’y ngiti at pasasalamat,
Mata’y diretso sa labis na pag-angat.
Ang pagtuturo ay isang literatura,
Malanobela na maraming kabanata,
Mahalaga ang pangyayari sa bawat interaksyon,
At sa pagwakas ng kwento ay nagbibigay-inspirasyon.
“Pakikinggan kita,” pabalik na sambit,
“Lalaanan ng oras inyong hinanakit,
Kami’y mangunguna sa pansamantalang laban,
Hanggang maabot ninyo ang tunay na hukuman.”
Balang araw inyong makikita,
Ang pagsaway namin sa inyo’y hindi basta-basta,
At sa komprehensibong talakayan,
Lubos na binabago ang nakasanayan.
Bitbit ang mga aralin hanggang pag-uwi,
Kinabukasan ay iniisip paano makakabawi,
Daanan mo ay “magandang araw!” ang bati,
Aming trabahong makabata palagi.
Malay mo isa pala kayo sa magbabago ng mundo?
Mga magsisilbing makabagong Pilipino,
Aming masasabi na bahagi kami sa paglalakbay,
Dahil minsan kami’y sa inyo ay umalalay.
![](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2024/10/Green-And-White-Sketch-Back-To-School-Facebook-Cover-1-1024x577.png)