You are currently viewing Tahanan 

Tahanan 

Lathalain

Ni: Diane Hill Cuellar 

“Tulog na, mahal ko. Nandito lang akong bahala sa iyo.” Hindi ko mapigilan ang pag-ambon ng luha sa aking mukha habang pinapakinggan ang kantang Tulog Na ng Sugarfree. Kaharap ko ay iskrin ng kompyuter at kahit na kasabay rumagasa ng luha ko ang ulan sa labas, hindi ko maiwasang isipin kung kaya kong sabihin ang parehong liriko sa daigdig na ito. 

 Ang unang hakbang ay maabala at mabahala, ito ang mga salin ng salitang ingles na disturbed. Alinsunod sa school thrust ng kasalukuyang taong panuruan, at sa kabila ng online distance learning dahil sa walang humpay na pag-ulan nitong mga nagdaang araw, inilunsad ang Buwan ng Ekolohiya sa Assumpta na may temang “Disturbed by the environmental realities, we act with hope.” 

 Sabi nga nila, “Ang mulat ay ‘di na muling pipikit,” at tunay na mulat na mulat na ang komunidad ng Assumpta dahil ang unang ibinahagi sa atin ng Kagawaran ng Agham ngayong ika-09 ng Setyembre ay ang ating mga gawain bilang isang Laudato Si na paaralan noong nakaraang taong panuruan. Kabilang sa mga gawaing naaayon sa pitong layunin ng Laudato Si ang isinagawang community action day, pagpaparangal ng Eco-Hero sa bawat baitang at pangkat, pagkakabit ng solar lights, at iba pang aksyon na iniugnay sa curriculum at liturgical celebration. Malinaw ang misyon na tugunan ang pagtangis ng ating tahanan, kaya sino ba naman tayo upang hindi mabuhayan ng pag-asa? 

 Sa pagpapatuloy ng ating adbokasiya, sinundan ang programa ng paghahandog ng mga aksyon na ating isasabuhay ngayong buwan bilang pagtugon sa mga suliraning pangkapaligiran na ating nararanasan. Ang ilan sa mga ito ay ang pagbuo ng bulletin board ng mga Assumptan mula ikaapat hanggang ikalabindalawang baitang, pag iwas sa paggamit ng kuryente tuwing eArTHS hour bago ang pagsisimula ng mga klase, paggamit ng Christian Meditation na nakalaan para sa aktibibad, pagpapatugtog ng mga mga tunog ng kalikasan, pag-aalay ng panalangin at intensyon sa mga nakagagambalang reyalidad ng ating kapaligiran gamit ang centralized sound system upang marinig ng lahat, at patuloy na paggamit ng mga panalangin para sa kalikasan sa mga pagpupulong, klase, at misa para sa ekolohiya. 

 Maraming masarap na gawin tuwing umuulan, tulad na lamang ng paghigop ng mainit na sabaw, pakikinig ng musika, at pagtulog nang mahimbing. Sa kabila nito, mahirap ang maging komportable sa kasalukuyang kalagayan ng ating mundong ginagalawan, ng ating tahanan na hindi lamang dapat inaalagaan at iniingatan tuwing Buwan ng Ekolohiya. Setyembre man ay magwakas, sana ang pagmamahal natin sa tanging daigdig ay hindi kumupas. Ang pag-ako sa responsibilidad na iniatang sa atin ng Maykapal bilang mga tagapangalaga ng Kaniyang nilikha ay ating isabuhay sa loob man o labas ng paaralan. Ang pagbibigay natin ng ating sarili at pakikiisa sa mga gawaing inihanda ngayong buwan at pagkakaroon ng malay sa mga kaganapan ay makapagdudulot ng positibong epekto. 

 Sa pagsara ko ng iskrin ng aking kompyuter kasabay ng pagpunas sa aking mga luha, baon ko ang hamong iniwan ng pagdiriwang ng Buwan ng Ekolohiya. Handa na akong sambitin ang mga liriko ng awiting “Nandito lang akong bahala sa iyo.” 

KILOS NANG MAY PAG-ASA. Inilunsad nang online ang Buwan ng Ekolohiya ngayong taon na may temang “Disturbed by the Environmental Realities, We Act with Hope” sa mga Assumptan. Screenshot ni Bb. Sharie Cortez
MAY MAGAGAWA TAYO! Hinihikayat ng gawaing "My Hopeful Act for Mother Earth" ng Kagawaran ng Agham ang mga mag-aaral na gumawa ng mga kongretong hakbang upang alagaan ang Inang Kalikasan at kanila itong ibabahagi gamit ang kanilang social media upang himukin din ang iba. Screenshot ni Bb. Sharie Cortez
MAY NAGAGAWA NA! Ibinahagi ng mga miyembro ng Core group at mga kinatawan mula sa Assumpta ang isang petisyon sa mas lalong pagpapaigting ng pangangalaga sa kalikasan sa Tanggapan ng Punong Bayan ng San Simon bilang unang hakbang sa pagiging Laudato Si School noong nakaraang taon. Screenshot ni Bb. Sharie Cortez
PAG-ASA NG INANG KALIKASAN. Ipinaliliwanag nang mabuti ni Gng. Corazon Culala sa kaniyang online na klase sa Pisika ang mga gawain at aktibidad na makatutulong sa pangangalaga ng Inang Kalikasan, nitong ika-10 ng Setyembre, 2024. Screenshot ni Gng. Corazon Culala
ISANG LAYON. Nahahati batay sa tatlong haligi ng Assumption Education —Academic Excellence, Faith and Spirituality, at Social Responsibility ang mga layunin ng Buwan ng Ekolohiya ngayong taon na mayroong iisang layong mapahalagahan ang kalikasang ating tahanan. Screenshot ni Bb. Sharie Cortez
Malikhaing karikatura ni Christine Dungo