You are currently viewing Tanglaw na Pag-asa ng Angat Pampanga

Tanglaw na Pag-asa ng Angat Pampanga

Feature Article

ni Gng. Arbhee M. Salazar

Kapag mahal natin ang bayan hindi natin hahayaang ang kalungkutan ang maging hadlang para huminto tayo.”

Ito ang mga katagang sinambit ng dating ikalawang pangulo ng Pilipinas na si Attorney Leni Robredo sa kanyang talumpati sa inagurasyon at pangkalahatang kapulungan ng Angat Pampanga noong ika-2 ng Setyembre, 2023 sa Heroes Hall Lazatin Blvd, Siyudad ng San Fernando, Pampanga. Dinaluhan ito ng iba’t ibang organisasyon kasama ang ilang kawani mula sa Assumpta Technical High School bilang pagsuporta sa mga layunin at gawaing isasagawa ng Angat Pampanga. Naging paraan ang pagtitipong ito upang maibahagi ang mga layunin ng mga volunteers tungkol sa edukasyon, kalusugan, disaster relief and response, service, at anti-disinformation. 

Muling ibinahagi ng dating ikalawang pangulo ang kuwento sa likod ng Angat Buhay na tumutugon sa pangangailangan ng maraming mahihirap na Pilipino sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Malaki ang naging ambag ng naging karanasan mula sa nakaraang halalan upang mas palakasin pa ang bolunterismo sa mga Pilipino. Hindi man nagwagi sa pagkapangulo si Atty. Robredo, ang damdaming nasyonalismo ng mga Pilipino naman ang naging magandang bunga ng nakaraang halalan na patuloy na nananatili at pinatitibay ng pagmamahal sa bayan ng marami. Naniniwala siyang hanggang patuloy na naninindigan sa katotohanan ang bawat Pilipino, sa kahit na anong laban, sila ang tunay na panalo. 

Kaya naman, isang malaking inspirasyon at motibasyon lalo na sa mga Kapampangan ang Angat Pampanga bilang bahagi ng malawak na pagsasakatuparan ng mga programa ng Angat Buhay. Ito ay isang patunay lamang na hindi kailangan ng politikal na kapangyarihan o posisyon upang makatulong at magbigay ng inspirasyon sa mga kababayan nating Pilipino na higit na nangangailangan. Ang alab na sinimulan sa puso ng bawat volunteers ay patuloy na naglalagablab at lumalawak upang maabot ang mas maraming bilang ng mga nasa laylayan. 

Isa ang paaralan sa sumusuporta sa layuning ito at handang maging instrumento upang makapagbigay ng tulong sa ating mga kababayan. Hanggang may kumikilos para sa karamihan, patuloy na magiging liwanag sa dilim, tanglaw ang pag-asa ng isang magandang bukas na naghihintay para sa mga Pilipinong patuloy na tumitindig at naninindigan.