You are currently viewing Tugon sa Hamon

Tugon sa Hamon

Lathalain

ni: Chris Annea Chloe G. Sabile

Sa mundong ating nagsisilbing tahanan, mahirap maging bulag sa katotohanan, lalo na kung ang problema ay nasa harap mo lamang. Ang ating bayan ay madalas na masugatan ng mga nakagagambalang kaganapan. Kaya bilang isang komunidad, handa ka bang maging matapang at lumaban o tatalikuran mo lamang ang problema at hihintayin itong lumisan?  

 Sa ating pagsalubong sa bagong taong panuruan, buong tapang nating sinambit ang mga katagang “One with Christ in His mission, we live synodality and respond to our disturbing realities today.” Ngayong nakalipas na ang ilang linggo at tayo’y nasubok na ng panahon, nanatili na lamang bang salita ang mga katagang ito o isinabuhay natin ito nang buong puso?  

Nitong nakaraang linggo, nasubukan ang ating katatagan at paninindigan. Tayo’y humarap sa isang nakagagambalang reyalidad. Dahil sa walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Enteng at ng habagat, binaha ang ating paaralan at kinailangang ikansela ang mga harapang klase para sa kaligtasan ng bawat isa. 

Bilang pagtugon sa reyalidad na ito, isinabuhay ng paaralan ang Assumpta Enhanced Realflex Learning Modality. Sa ilalim ng modalidad na ito ipinagpatuloy ang pangangasiwa ng mga klase sa pamamagitan ng online class at patuloy na komunikasyon sa pagitan ng mga guro at mag-aaral gamit ang Learning Management System ng paaralan na MS 365. 

Sa kabila ng kahandaang ito, hindi pa rin natin maitatanggi ang mga paghihirap at balakid na ating hinarap. Ang mga iba’t ibang hamon ng online class, mga pinsalang dulot ng pag-ulan sa mga ibang mag-aaral at guro, at maging ang kakulangan sa kasanayan sa paggamit ng bagong Learning Management System, ang MS Teams, ay lalong nagpahirap sa ating pagyakap sa transisyong ito. Gayunpaman, buong tapang na tumugon at humarap sa nakagagambalang reyalidad na ito ang buong komunidad ng Assumpta at hindi nagpatinag sa bagsik ng hagupit ng mga hamong ito. 

Naging mataas ang baha sa harapan ng Assumpta Technical High School na dulot ng malakas na ulang dala ng Habagat at ng Bagyong Enteng nitong unang linggo ng Setyembre, 2024. Karaniwang dito nagsisimula ang baha sa kadahilanang mababa ang daan sa Assumpta-La Trevi Road, maging ang daan papasok sa paaralan. Kuhang Larawan ni G. Aries Q. Puno

Tayo’y nasa simula pa lamang ng biyaheng ito, tiyak na marami pang pagsubok ang hahadlang sa ating pagsulong ngunit ang mga nakagagambalang reyalidad na ito ang siyang dapat magpatibay sa ating loob. Kahit tayo’y paupos na, ang mga hamong ito ay hindi dapat talikuran, bagkus dapat itong harapin at tugunan. Kaya bilang isang komunidad, nararapat lamang na tayo ang maging tinig sa gitna ng mga pagsubok, dahil sa ganitong paraan tayo’y makatutugon sa mga nakagagambalang hamon ng ating kasalukuyan 

Ngiting matamis pa rin ang mayroon ang 1-A kasama ang kanilang gurong tagapayo pagkatapos ng kanilang umagang papuri na isinagawa nang online sa ATHS nitong ika-12 ng Setyembre, 2024. Screenshot ni Bb. Jane Camille Ramirez.
Kagalakang tunay ang naramdaman ni G. Aries Puno, modereytor ng Badminton Club, bagaman halos nakasara ang kamera ng mga mag-aaral, kumpleto pa rin ang mga miyembro nito sa ginanap na unang pagkikita online ng kaniyang club gamit ang bagong Learning Management System na Microsoft 365, nitong ika-13 ng Setyembre, 2024. Screenshot ni G. Aries Q. Puno

This Post Has One Comment

  1. Conrado M Danganan Jr

    Ang sitwasyon ay hindi hamon, ito ay parte na nang kasalukuyan na dapat harapin sa pamamagitan ng tamang pag de-desisyon. Dapat bigyan ng prayoridad ang kaligtasan ng bawat isa, hindi lamang ng mga estudyante pati na nang mga guro at manggagawa. Huwag ng hintayin pa na may magkasakit o dikaya’y masaktan pa. Ma-ari naman na ipag patuloy ang pag aaral sa pamamagitan ng online class at ibalik na lamang sa normal kapag maayos at ligtas na ang paaralan para sa lahat.
    Paalala: Ito ay pang sarili kong pananaw. Walang mahirap at mga balakid sa mga batang gustong mag sumikap.
    Maraming salamat po.

Comments are closed.