“Assumptans, balik-paaralan na!”
ni John Gabriel L. Gabon
Ika-23 hanggang ika-24 nitong Agosto taong 2023, malugod na sinalubong ng Assumpta Student Board (ASB) ang mga mag-aaral ng Assumpta Technical High School sa kanilang pagbabalik-eskwela ngayong taong panuruang 2023-2024.
Nagtipon-tipon ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang baitang upang pormal nang buksan ang klase sa paaralan sa pamamagitan ng isang programa na pinangunahan ng mga miyembro ng ASB. Pinuno ng mga mag-aaral mula sa bawat baitang ang Assumpta Court 1 ng kanilang malalakas na hiyawan at palakpakan upang ipakita ang kanilang pananabik sa pagbabalik-eskwela matapos ang higit dalawang buwang bakasyon. Ipinakilala rin ang mga guro at kawani mula sa iba’t ibang departamento ng paaralan sa pamamagitan ng isang malikhain at nakatutuwang presentasyong inihanda para sa mga mag-aaral. Nanguna naman sa pagpapakitang-gilas ang iba’t ibang co-curricular clubs tulad ng Assumpta Glee Club (AGC), Assumpta Dance Troupe (ADT) at Dulaang Assumpta Technical High School (DATHS) kasama ang mga ASB officers sa pamamagitan ng kanilang nakakaaliw at nakakaindak na pag-awit at pagsayaw.
Sinundan naman ito ng talumpati mula sa punong guro na si Gng. Arlene Carlos. Sa kaniyang talumpati, ibinahagi sa buong komunidad ang school thrust ng paaralan sa taong ito na, “Following Jesus, we live Synodality and respond to our new realities today”. Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at pakikinig sa gabay ng Espiritu Santo na siyang hamong iniwan nito sa buong komunidad.
Nakatakdang magsimula ang unang linggo ng klase sa Martes, Agosto 29, sa Assumpta Technical High School sa San Simon, Pampanga.
![370595946_676516461068975_5531714984000967522_n](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/370595946_676516461068975_5531714984000967522_n-2-150x150.jpg)
![IMG_20230823_083358](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/IMG_20230823_083358-150x150.jpg)
![IMG_20230823_085311](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/IMG_20230823_085311-150x150.jpg)
![IMG_20230823_085157](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/IMG_20230823_085157-150x150.jpg)
![IMG_20230823_084948](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/IMG_20230823_084948-150x150.jpg)
![IMG_6277](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/IMG_6277-150x150.jpg)
![IMG_6248](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/IMG_6248-150x150.jpg)
![IMG_6256](https://aths.edu.ph/wp-content/uploads/2023/08/IMG_6256-150x150.jpg)
Welcome home, Assumptans!